Noong Disyembre 10, 1948, ang Pangkalahatang Kapulungan ng mga Bansang Nagkakaisa ay nagsagawa at nagpahayag ng Pandaigdig na Pahayag ng mga Karapatan ng Tao. Ang buong nilalaman noon ay mababasa sa mga susunod na pahina. Kasunod ng makasaysayang gawaing ito, ang Kapulungan ay nanawagan sa lahat ng mga kagawad ng bansa upang ilathala ang nilalaman ng Pahayag at "upang ito'y palaganapin, itanghal, basahin, at talakayin lalung-lalo na sa mga paaralan at iba pang institusyong edukasyonal, nang walang pagtatangi batay sa kalagayang pulitikal ng mga bansa o mga teritoryo." Pangwakas na Textong May Pahintulot na salin sa Pilipino ng Katipunan ng Bagong Pilipina. Ipinaabot ng Punong Pangkaalaman ng mga Bansang Nagkakaisa para sa Pilipinas ang taus-pusong pasasalamat sa Law Center ng Pamantasan ng Pilipinas na unang naglimbag ng pahayag na ito na salin sa Pilipino. Ipinalimbag ng Punong Pangkaalaman ng mga Bansang Nagkakaisa para sa Pilipinas at ng Kagawaran ng Kabatirang Pangmadla ng mga Bansang Nagkakaisa.
Sapagkat ang pagkilala sa katutubong karangalan at sa pantay at di-maikakait na mga karapatan ng lahat ng nabibilang sa angkan ng tao ay siyang saligan ng kalayaan, katarungan at kapayapaan sa daigdig.
Sapagkat ang pagwawalang-bahala at paglalapastangan sa mga karapatan ng tao ay nagbunga ng mga gawang di-makatao na humamak sa budhi ng sangkatauhan, at ang pagdatal ng isang daigdig na ang mga tao ay magtatamasa ng kalayaan sa pagsasalita at ng kaligtasan sa pangamba at pagdaralita ay ipinahayag na pinakamataas na mithiin ng mga karaniwang tao.
Sapagkat mahalaga, kung ang tao ay di-pipiliting manghawakan bilang huling magagawa, sa paghihimagsik laban sa paniniil at pang-aapi, na ang mga karapatan ng tao'y mapangalagaan sa pamamagitan ng paghahari ng batas.
Sapagkat mahalagang itaguyod ang pagpapaunlad ng mabuting pagsasamahan ng mga bansa.
Sapagkat ang mga mamamayan ng Mga Bansang Nagkakaisa ay nagpatibay sa Karta ng kanilang pananalig sa mga Saligang karapatan ng tao, sa karangalan at kahalagahan ng pagkatao at sa pantay na mga karapatan ng mga lalaki at babae at nagpapasiyang itaguyod ang kaunlarang panlipunan at lalong mabubuting pamantayan ng buhay sa lalong malaking kalayaan.
Sapagkat ang mga Kasaping Estado ay nangako sa kanilang sarili na tamuhin sa pakikipagtulungan sa mga Bansang Nagkakaisa, ang pagtataguyod ng pandaigdig na paggalang at pagtalima sa mga karapatan ng tao at mga saligang kalayaan.
Sapagkat lubhang mahalaga ang pagkakaunawa ng lahat sa mga karapatan at kalayaang ito at lubhang mahalaga sa ganap na pagsasakatuparan ng mga pangakong ito.
Ngayon, Samakatuwid,
Ang Pangkalahatang Kapulungan
ay nagpapahayag ng
Pandaigdig na Pagpapahayag na ito
ng mga Karapatan ng Tao
bilang pangkalahatang pamantayang maisasagawa para sa lahat ng tao at bansa, sa layuning ang bawat tao at bawat galamay ng lipunan, na laging nasa isip ang Pahayag na ito, ay magsikap sa pamamagitan ng pagtuturo at edukasyon na maitaguyod ang paggalang sa mga karapatan at kalayaang ito at sa pamamagitan ng mga hakbang na pagsulong na pambansa at pandaigdig, ay makamtan ang pangkalahatan at mabisang pagkilala at pagtalima sa mga ito, maging ng mga mamamayan ng mga Kasaping Estado at ng mga mamamayan ng mga teritoryo na nasa ilalim ng kanilang nasasakupan.
Ang lahat ng tao'y isinilang na malaya at pantay-pantay sa karangalan at mga karapatan. Sila'y pinagkalooban ng katwiran at budhi at dapat magpalagayan ang isa't isa sa diwa ng pagkakapatiran.
Ang bawat tao'y karapat-dapat sa lahat ng karapatan at kalayaang nakalahad sa Pahayag na ito, nang walang ano mang uri ng pagtatangi, gaya ng lahi, kulay, kasarian, wika, relihiyon, kuro-kurong pampulitika o iba pa, pinagmulang bansa o lipunan, ari-arian, kapanganakan o iba pang katayuan.
Bukod dito, walang pagtatanging gagawin batay sa katayuang pampulitika, hurisdiksiyunal o pandaigdig na kalagayan ng bansa o teritoryong kinabibilangan ng isang tao, maging ito ay nagsasarili, itinitiwala, di-nakapamamahala sa sarili o nasa ilalim ng ano mang katakdaan ng soberanya.
Ang bawat tao'y may karapatan sa buhay, kalayaan at kapanatagan ng sarili.
Walang sino mang aalipinin o bubusabusin; ipagbabawal ang ano mang anyo ng pang-aalipin at ang pangangalakal ng alipin.
Walang sino mang pahihirapan o lalapatan ng malupit,di-makatao o nakalalait na pakikitungo sa parusa.
Ang bawat tao'y may karapatang kilalanin saan mang dako bilang isang tao sa harap ng batas.
Ang lahat ay pantay-pantay sa harap ng batas at may karapatan sa walang pagtatangi ng pangangalaga ng batas. Ang lahat ay may karapatan sa pantay na pangangalaga laban sa ano mang pagtatangi-tanging nalalabag sa Pahayag na ito at laban sa ano mang pagbubuyo sa gayong pagtatangi-tangi.
Ang bawat tao'y may karapatan sa mabisang lunas ng karampatang mga hukumang pambansa tungkol sa mga gawang lumalabag sa pangunahing mga karapatan na ipinagkaloob sa kanya ng saligang batas o ng batas.
Walang sino mang ipaiilalim sa di-makatwirang pagdakip, pagpigil o pagpapatapon.
Ang bawat tao'y may karapatan sa ganap na pagkakapantay-pantay, sa isang makatarungan at hayag na paglilitis ng isang hukumang malaya at walang kinikilingan, sa pagpapasiya ng kanyang mga karapatan at panangutan at sa ano mang paratang na kriminal laban sa kanya.
Walang taong isasailalim sa di-makatwirang panghihimasok sa kanyang pananhimik, pamilya, tahanan o pakikipagsulatang ni sa tuligsa sa kanyang karangalan at mabuting pangalan. Ang bawat tao'y may karapatan sa pangangalaga ng batas laban sa gayong mga panghihimasok o tuligsa.
Ang bawat tao'y may karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, budhi at relihiyon; kasama sa karapatang ito ang kalayaang magpalit ng kanyang relihiyon o paniniwala maging nag-iisa o kasama ang iba sa pamayanan upang ipakilala ang kanyang relihiyon o paniniwala sa pagtuturo, pagsasagawa,pagsamba at pagtalima.
Ang bawat tao'y may karapatan sa kalayaan ng pagkukuro at pagpapahayag; kasama ng karapatang ito ang kalayaan at kuru-kuro nang walang panghihimasok at humanap, tumanggap at magbigay ng impormasyon at kaisipan sa pamamagitan ng alin mang paraan ng pagkakalat at walang pagsasaalang-alang ng mga hanggahan.
Ang bawat tao, bilang kasapi ng lipunan, ay may karapatan sa kapanatagang panlipunan at nararapat na makinabang sa pamamagitan ng pambansang pagsisikap at pakikipagtulungang pandaigdig at alinsunod sa pagkakabuo at mga mapagkukunan ng bawat Estado, sa mga karapatang pangkabuhayan, panlipunan at pangkalinangan na lubhang kailangan para sa kanyang karangalan at sa malayang pagpapaunlad ng kanyang pagkatao.
Ang bawat tao'y may karapatan sa pamamahinga at paglilibang, kasama ang mga makatwirang pagtatakda ng mga oras ng paggawa at may sahod sa mga pana-panahong pista opisyal.
Ang bawat tao'y may karapatan sa kaayusang panlipunan at pandaigdig na ang mga karapatan at mga kalayaang itinakda sa Pahayag na ito ay ganap na maisasakatuparan.
Walang bagay sa Pahayag na ito na mapapakahulugan ang nagbibigay sa alin mang Estado, pangkat o tao ng ano mang karapatang gumawa ng ano mang kilusan o magsagawa ng ano mang hakbang na naglalayong sirain ang nakalahad dito.
|